Pinagbibitiw ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla ang mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) kung hindi mareresolba ang problema sa napakaraming kababayan na na-o-offload sa kanilang biyahe kahit walang matibay na basehan.

Ginawa ni Revilla ang pahayag kasunod ng nag-viral na video ng offloading incident sa NAIA kung saan detalyadong ikinuwento ng isang pasaherong papunta ng Israel ang kaniyang naging karanasan sa isang Immigration Officer na hiningan siya ng yearbook at graduation picture na wala namang kinalaman sa kaniyang byahe at naiwan pa siya sa kaniyang flight.

Pinuna ni Revilla sa inilabas na statement ng BI kung saan ipinagmalaki pa na sa mahigit 30,000 pasaherong kanilang inoffload noong 2022, 472 lang ang may kaugnayan sa human trafficking, 873 ang umano’y nag-misrepresent sa kanila at 10 ay mga menor de edad.

Ayon sa senador, lumalabas na wala pang 4.2 percent ang may inoffload nang may basehan at mas nakakagalit aniya ay 1.45 percent lang sa kabuuang bilang ang konektado sa human trafficking.

“Sa lagpas 30,000 na inoffload at inabala ng immigration na yan, wala pang 4.2% niyan ang may semblance of basis. Mas nakakagalit, only 1.45% ang sinasabi nilang connected sa human trafficking,” punto ni Revilla.

“Over 95% talagang inabala at pinagastos lang. Ibig sabihin, isa lang sa bawat dalawampung inoffload nila ang medyo may basis. ‘Di ba kalokohan ‘yan?,” paliwanag nito.

“Sobrang daming naabala. Sobrang daming nasayang na oras at pera. This really says something about the accuracy and efficiency of their [Bureau of Immigration] performance,” sambit pa niya.

Sabi pa ni Revilla, nasasayang ang oras at pera dahil sa mga walang katuturan na pag-offload sa mga ito at daig pa ng BI ang korte sa lawak ng discretion at authority nila para harangin ang biyahe ng mga pasahero.

Kung hindi aniya aayusin ng BI ang kanilang sistema at ang nasabing problema, mas mainam na magsibitiw na lang ang mga opisyal nito sa pwesto. (Dindo Matining)

v=ItdPfd80DeE

The post Revilla: Offloading system ng BI sablay first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT