Pagkaraan ng 40 taon, natupad na rin ang pangarap ni Sen. Robinhood ‘Robin’ C. Padilla na maging bahagi ng Philippine Military Academy (PMA) nang nanumpa siya bilang honorary member ng Bagong Anyo ng Buhay (Banyuhay) Class of 2002.

Kasama ni Padilla sa panunumpa sa Club Filipino nitong Biyernes, Marso 24, sina Vice President at Education Secretary Sara Duterte at si PLDT Executive Leo Gonzales.

“Mistah, pagkaraan ng 40 taon, ang aking pangarap na maging isang PMAer ay naganap. Maraming salamat po sa Bagong Anyo ng Buhay Class 2002 ng PMA,” sambit ni Padilla.

“Ako po ay inyong inampon bilang inyong bagong BOK sa kapatiran ng Banyuhay na siyang naglalarawan sa Karangalan, Katarungan at Kagitingan, KKK – tatlong letrang pundasyon ng Kalayaan ng ating Inang Bayan,” dagdag niya.

Si Padilla ay reserve officer sa Philippine Army, na may ranggong Captain.

Todo suporta ang kaniyang ibinibigay sa AFP sa pagpapatupad ng tungkulin nito ng ipagtanggol ang Pilipinas at ang mga Pilipino.

“Ang aming panunumpa ay pagtalima sa inyong kartilya at ng Katipunan ng mga anak ng Bayan na siyang humubog sa adhikain ng Philippine Military Academy,” saad ni Padilla. (Dindo Matining)

The post Robin inampon ng PMA Banyuhay Class first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT