Nag-alok ng kalahating milyong pisong pabuya si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon upang maaresto ang responsable sa pagkamatay ng isang Adamson University student.
Ani Romualdez, ang P500,000 pabuya para sa salarin sa pagkamatay ng Chemical Engineering student na si John Matthew Salilig ay upang hikayatin ang mga indibiduwal na makipag-ugnayan sa mga awtoridad at matulungan sa pag-aresto at pag-uusig sa mga suspek.
Natagpuan ang bangkay ng biktima sa Imus, Cavite, na namatay umano dahil sa hazing.
Kinondena ni Romualdez ang malagim na pagpatay at idiniin na ang “isang pagkawala ng buhay ay hindi katanggap-tanggap sa isang sibilisadong lipunang tulad natin.”
“Brothers do not kill brothers,” saad ni Romualdez. “Frat-related or not, any crime that results to death deserves utmost condemnation.”
Sinabi rin ng Speaker na ang House of Representatives ay nakatuon sa pakikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensyang nagpapatupad ng batas upang matiyak ang mas ligtas na kapaligiran para sa mga Pilipino.
“It is important that we take a proactive step to help our law enforcement agencies bring criminals to justice. Wala silang pagpapahalaga sa buhay. Sa ospital nila dapat dinala ang biktima,” pahayag pa ni Speaker Romualdez.
“Kung ako na hindi kamag-anak ng biktima ay hindi matanggap ang ganitong karumal-dumal na krimen, how much more ang kanyang mga magulang at pamilya?” patuloy niya. (IS)
The post Speaker Romualdez nagpatong ng P500K pabuya vs pumatay sa Adamson student first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento