Sapat ang supply ng isda ngayong Semana Santa kahit pa aasahang tataas ang demand sa panahon ng kuwaresma.
Ito ang tiniyak sa Laging Handa public briefing ni Nazario Briguera, Chief Information Officer ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Ayon kay Briguera, maganda ang supply sa mga panahong ito dahil panahon ng tag-init at sinasamantala ito ng mga mangingisda para pumalaot at mangisda.
“Magiging sapat ang supply ng ating isda pagdating ng semana santa. Sa ngayon ay maganda ang ating supply dahil summer season sa ngayon at ito ang pagkakataon na talagang naglalayag at pumapalaot ang ating mga mangingisda,” ani Briguera.
Magkakaroon lang aniya ng bahagyang pagtaas sa presyo ng mga isda ngayong semana santa dahil sa pagtaas ng demand na kaya namang balikatin ng mga mamimili.
Kaugnay naman sa epekto ng oil spill sa Oriental Mindoro, sinabi ni Briguera na hindi pa nararamdaman sa Metro Manila ang epekto ng shortage sa supply ng isda.
Sa mga bayan lamang aniya sa Mindoro na naabot ng oil spill ang may limitadong supply ng isda dahil sa ipinatupad na fishing bansa.
“Hindi pa natin ramdam on a national scale yung shortage ng supply ng isda although expected sa locality ng mga apektadong lugar ay talagang posible na may limitado ng supply ng isda dahil nagpatupad ng fishing ban ang lgus sa mga apektadong lugar,” dagdag ni Briguera.
Sapat pa aniya sa ngayon ang supply at presyo ng isda sa Metro Manila kaya walang dapat na ipangamba ang publiko lalo na ngayong panahon ng kuwaresma kung saan nag-aayuno at umiiwas sa pagkain ng karne ang mga Katoliko.
“In terms of supply lalo na sa Metro Manila, stable pa naman ang supply at stable pa naman ang presyo.” wika ni Briguera. (Aileen Taliping)#
The post Supply ng isda ngayong Semana Santa, sapat – BFAR first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento