Wala umanong makukuhang benepisyo si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves o ang kanyang kapatid sa pagkamatay ng kanilang kalaban sa politika na si Gov. Roel Degamo.
“Again sa lahat ng krimen, ang unang hinahanap ng imbestigador at pulisya ay motibo, kung sino yung pinaka may balak at kung sino yung magkakaroon ng benepisyo sa pangyayari. Sa totoo lang wala kaming makukuhang benepisyo dito sa pangyayaring ito,” sabi ni Teves sa isang video na naka-post sa social media.
Kung mayroon umanong intensyon si Teves o kakayanan para ipapatay ang kanyang kalaban sa politika, ginawa umano sana niya ito bago pa mag-eleksyon.
“Anong motibo kung ngayon gagawin? Di ba? Hindi rin magiging benepisyaryo ako at ang kapatid ko. Dahil kung mawala ang gobernador, ang uupo naman ang vice governor,” giit ng Teves.
Dagdag pa nito, “Hindi naman ang kapatid ko na talagang nanalo nung eleksyon, pero hindi ko alam kung anong magic na nangyari, pinababa sa pwesto ang aking kapatid.”
Binawi ng Commission on Elections ang panalo ng kapatid ni Teves na si Pryde bilang gubernador ng Negros Oriental at idineklara na si Degamo ang nanalo.
Si Degamo ay pinatay sa tapat ng kanyang bahay noong Sabado. (Billy Begas)
The post Teves sa pagpatay kay Degamo: ‘Wala kaming makukuhang benepisyo dito’ first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento