Target ng House Committee on Ethics and Privileges na tapusin ang pagdinig at makapaglabas ng desisyon sa kaso ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr., na tumangging umuwi sa bansa sa kabila ng utos ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez matapos na mag-expire ang travel authority na ibinigay sa kanya ng Kamara de Representantes.

“Mahaba-haba itong break namin. Mahirap naman na walang nagawa ang Congress (sa ginawa ni Teves),” sabi ni COOP NATCCO party-list Rep. Felimon Espares, chairperson ng komite.

Magbi-break ang sesyon ng Senado at Kamara de Representantes sa Marso 25 hanggang Mayo 7.

Sa Lunes, Marso 20 ay muling magsasagawa ng pagdinig ang komite ni Espares para talakayin ang kaso ni Teves. Sumulat din si Teves sa Kamara upang humingi ng dalawang buwang leave.

Nagtungo si Teves sa Estados Unidos noong Pebrero at binigyan ng travel authority hanggang noong Marso 9 lamang.

Si Teves ay iniuugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo. (Billy Begas)

The post Teves target hatulan ng House panel bago mag-break ang sesyon first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT