Umapela si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na tignan ang lahat ng anggulo kaugnay ng pagpatay kay Gov. Roel Degamo.
“Sec., wala akong problema sa inyong paggawa ng iyong trabaho bilang DOJ secretary. Isama niyo man ako sa mga suspect sa imbestigasyon, walang problema,” sabi ni Teves. “Pero ang hiling ko lang, huwag naman ako lang. Lahat ng anggulo, tignan natin. Lahat as in lahat, lahat. Hindi si Arnie lang.”
Si Teves ay iniuugnay sa pagpatay kay Degamo, na kilalang kalaban nito sa pulitika.
Sinabi ni Teves na tinangka nitong makipag-ugnayan kay Remulla, na dati nitong kasama sa Kamara de Representantes.
“Sec. Boying nagsama tayo sa Congress. Kanina ko lang narinig na tinanong kayo kung nag-reach out ako sa inyo o hindi, sabi nyo hindi, sige lang baka hindi nyo nakuha yung mga missed call ko sa inyo. Nag-reach out ako boss bakit naman hindi ako magre-reach out iniisip ko kayong kaibigan at alam nyo kung gaano ka totoong tao ako,” dagdag pa ni Teves.
Ang Department of Justice (DOJ) ang nagsasagawa ng case build-up sa kaso ni Degamo. (Billy Begas)
The post Teves umapela kay Remulla na silipin lahat ng anggulo: ‘Hindi si Arnie lang’ first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento