Kukumbinsihin ng gobyerno ang ilang transport group na huwag ng ituloy ang planong limang araw na tigil-pasada bilang pagtutol sa modernisasyon sa kanilang hanay.

Sa ambush interview kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa dinaluhang aktibidad sa Luneta nitong Miyerkoles ng umaga, sinabi nitong may mga gagawin silang inisyatiba upang hindi na ituloy ng transport groups ang kanilang plano.

Marami aniyang maapektuhan at hindi makapasok sa trabaho kapag itinuloy ang ilang araw na tigil-pasada.

“I’m hoping na dito sa initiatives na iniisip natin eh makumbinsi naman natin ang mga transport groups na huwag na muna mag-strike dahil kawawa ang mga tao,” saad ng Pangulo.

Marami aniyang naghihirap ang mas lalong maghihirap kapag hindi nakapasok sa kanilang trabaho.

Pero hindi aniya hahayaan ng gobyerno na maapektuhan ang publiko kaya magpapatupad ng libreng sakay ang gobyerno para makapasok sa trabaho at makapaghanap-buhay ang mga tao.

“Bigyan natin sila ng extra ma transportasyon, na public transport gaya ginawa natin ng pasko, gawin natin uli,” dagdag ng Pangulo.

Magpapatupad aniya ng inspection para tingnan ang kakayahan ng mga pampublikong sasakyan na masasagasaan ng modernisasyon.

Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na may mga luma namang sasakyan na maayos pa rin at maari pang gamitin lalo na kung maingat at magandang mag-alaga ng sasakyan ang drivers at operators.

“Ang puwedeng gawin ay inspeksiyuninn yung mga vehicles. May mga luma na maganda at puwede pang gamitin. Just because five years old or 10 years old hindi na puwede. Tingnan natin yung condition,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post Transport groups na nagbanta ng tigil-pasada hihilutin ng Malacañang first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT