Naghain si Senador Raffy Tulfo ng isang panukala na magpapahintulot sa mga babaeng mag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralan na malayang magsuot ng pantalon upang masigurado na mayroong gender-neutral uniform para sa lahat.

Layunin ng Senate Bill No. 1986 na lumikha ng mas inklusibong kapaligiran sa paaralan para sa lahat ng mga mag-aaral anuman ang kasarian.

“In today’s social climate, it is imperative that young women are given another alternative to the traditional skirted-uniform in order for them to feel comfortable and promote a gender-neutral environment,” sabi ni Tulfo sa explanatory note ng panukala.

“The right of young women to wear trousers to school needs to be a given, and not a privilege that needs to be argued for in each individual case,” dagdag niya.

Sa paghahain ng SB No. 1986 kasabay ng pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong Marso, binanggit ni Tulfo na ang mga palda para sa mga babae at pantalon para sa mga lalaki ay ginamit bilang mga identifier ng dalawang kasarian.

Ang nasabing patakaran sa uniporme ng paaralan ay may potensyal na maging dahilan para magkaroon ng gender inequality.

Ang SB No. 1896, o ang ‘Pants for Her Act’ ay may kaugnayan din sa taunang dengue outbreak sa bansa, bilang ang pagsusuot ng pantalon ay isang mabisang panlaban sa mga kagat ng lamok na sanhi ng dengue.

Mahigit 220,000 kaso ng dengue ang naiulat sa Pilipinas noong nakaraang taon.

Maliban diyan, sinabi ni Tulfo na ang pagsusuot ng pantalon ay maaari ring makatulong para sa mga babaeng estudyante na maging komportable sa pagsakay ng motorsiklo at iba pang pampublikong sasakyan. (Dindo Matining)

The post Tulfo: Pantalon na uniform ng mga babaeng estudyante payagan sa eskwelahan first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT