Naguluhan ang mag-asawa sa Quezon Province dahil tila dalawa raw ang ari ng kanilang bagong silang na sanggol.
Sa ‘Dapat Alam Mo’, binahagi nina Alaiza at Kenneth ang pinagdadaanan ng kanilang anak na tila dalawa raw ang sex organ.
Paglalarawan ni Alaiza, “Para siyang sa babae kasi ‘yung itlog niya nasa may itaas, naiipit ang pinaka-ari. Pero ‘yung pinaka-ari niya sa panglalaki, pero ang pinag-iihian niya ay sa pambabae.”
Nang suriin ito ng doktor, napag-alaman na hindi naman hermaphrodite ang kanilang anak.
Hermaphrodite ang tawag sa isang indibiduwal na parehong may male at female reproductive organ.
Ang kondisyon daw na nangyari sa sanggol ay proximal hypospadias, isang rare condition kung saan hindi sa dulo ng ari nag-develop ang daluyan ng ihi.
“Sa hypospadias ang nangyayari ay nasa ilalim, nasa penile shaft o baras ng ari. Puwede siyang malapit sa dulo, puwede siyang sa may gitna, puwede siyang nasa may puno, o sa base ng penis. Or even doon sa may scrotum sa may itlog, or even malapit na siya sa opening ng puwet,” ayon kay Dr. Michael Gaw.
Hindi daw tukoy ang sanhi kung bakit nagkakaroon ng ganito ang isang lalaki, pero nako-correct naman daw ito sa pamamagitan ng surgery na magandang isagawa habang bata pa ang pasyente.
Nais naman ng nina Alaiza at Kenneth na mapaoperahan ang kanilang anak sa pangambang baka tuksuhin ito ng ibang bata kapag nalaman ang kondisyon nito. (RP)
The post 2 daw ari? Mag-asawa naguluhan sa gender ng kanilang baby first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento