Hindi papayagan ng gobyerno na magamit sa opensiba ang dagdag na apat na lugar sa bansa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Ito ang tiniyak sa Laging Handa public briefing ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Colonel Medel Aguilar bilang sagot sa agam-agam ng publiko sakaling uminit ang gusot sa pagitan ng China at Amerika sa isyu sa Taiwan.
Nanindigan si Aguilar na hindi gagamitin ang mga pasilidad sa ilalim ng EDCA para magsulong ng opensiba laban sa ano mang bansa.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos jr. aniya ang nagsabi na hindi gagamitin ang EDCA sites para magamit sa opensiba.
“Iyong sinasabi po ng Presidente is very clear. Number one, the EDCA cannot be used offensively by any country. Number two, iyong EDCA are facilities to be established which our armed forces can use during ordinary days, but of course, this will also be made available during the emergency situation for combined use of the US and AFP,” ani Aguilar.
Lahat aniya ng mga bagay o kagamitan na ipapasok sa mga pasilidad ng bansa ay kailangang may koordinasyon at clearance mula sa AFP.
Bukod sa tropa ng Amerika ay kalahok din sa joint exercises ang may 111 Australian Defense Force at mga kinatawan mula sa 12 bansa bilang observers.
Sinabi ng opisyal na nakipag-ugnayan na ang AFP sa mga lokal na opisyal sa Zambales para sa kaligtasan ng mga mamamayan sa gagawing live fire exercises, lalo na sa mga mangingisda na pinagbawalang munang mangisda sa lugar na pagdarausan ng exercises.
” Nagkakaroon po tayo ng coordination with the local government units. Hindi lang naman actually kaligtasan, just to make sure that no one will be hurt during the conduct of live fire exercises particularly in Zambales area. And at the same time, nagko-coordinate din tayo para sa provision ng tamang assistance sa kanila because we understand na during the live fire exercises which will run for a few hours ay hindi po sila makakapangisda doon sa … o makakapunta sa lugar na iyon kung sila man ay nangingisda sa lugar na iyon,” dagdag ni Aguilar.
(Aileen Taliping)
The post AFP nanindigan, EDCA sites hindi gagamitin sa opensiba first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento