Iminungkahi ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na alisin ang mga ‘parasitic entities’ sa gobyerno upang magkaroon ng pondo para sa pensyon ng mga military and uniformed personnel (MUP).

“Alam mo na, yung mga sobrang laki ng suweldo pero walang ambag na malinaw sa bayan. Rumaraket lang. Maraming ganyan. Malaki matitipid kung tanggalin natin sila,” sabi ni Alvarez.

Muling iginiit ni Alvarez na dapat huwag palitan ng Department of Finance (DOF) ang MUP pension system.

Pinag-aaralan ng DOF na alisin ang automatic indexation o pagtaas ng pensyon kapag tumataas ang sahod ng mga aktibong sundalo at singilin na ng kontribusyon ang mga aktibong MUP na katulad ng ginagawa ng GSIS sa iba pang empleyado ng gobyerno.

“The government should not turn its back on our soldiers who committed the best of their years providing the freedom we breathe and protecting the institutions without which government cannot exist. We owe this to them as our debt of gratitude,” giit ni Alvarez.

Nagpahayag din ng pagkabahala si Alvarez na baka mayroong mga retiradong MUP na gumawa ng krimen kapag kulang na para sa kanilang pangangailangan ang natatanggap na pensyon.

“When a civilian retires, private entities or corporations hire them as consultants because of their expertise in economics, finance, etc. Similarly when an MUP retires, not only civilians, but also lawless and violent opportunists, gravitate towards the expertise of MUPs. Delikado saan yan papunta, possible breakdown ng law and order, resulting into uncontrollable chaos,” sabi pa ng solon.

Nauna rito ay iminungkahi ni Alvarez na kunin ang bahagi ng kikitain sa panukalang legalisasyon ng marijuana upang pondohan ang pensyon ng mga MUP.

(Billy Begas)

The post Alvarez: ‘Parasitic entities’ sa gobyerno alisin para mapondohan ang MUP pension first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT