Umapela sa Department of Education (DepEd) si Pampanga Board Member Mylyn Pineda-Cayabyab para muling suriin ang sitwasyon ng sektor ng edukasyon sa probinsya kasabay ng kaniyang panawagan na maglaan ng dagdag na pondo para sa konstruksyon ng mga bagong secondary schools para mapunan ang mas maraming mag-aaral.
Ipinunto ni Pineda-Cayabyab ang hindi pagkakapantay ng elementarya, sekundarya at senior high schools sa lalawigan, na hindi nabibigyan ng oportunidad ang mga kabataan na nais tumuloy sa kolehiyo.
“Kawawa naman po ang ating mga estudyante na nagnanais na makatapos ng high school nang sa ganun ay makapag-aral sila sa kolehiyo. Mahalagang matugunan ng pamahalaan, lalo na ng DepEd, ang mga pangangailangan ng ating mga mag-aaral para masiguro na magiging maayos ang kanilang kinabukasan,” sabi ni Pineda-Cayabyab, board member mula sa ikalawang distrito.
“There is a huge decline in the number of high schools in Pampanga which will make it difficult for elementary students to pursue their education,” saad pa niya.
Ipinaliwanag niya na habang mayroong 441 elementary schools na nagbibigay ng Grades 1-6 education, mayroon lamang mas mababa na 123 high schools sa probinsya para sa Grades 7-12 at dalawa lamang na hiwalay na senior high schools na nagbibigay ng Grade 11-12 education.
Meron ding anim na integrated schools na nag-aalok ng elementarya at high school education.
“Napakalaki po ng gap sa pagitan ng mga paaralang nag-o-offer ng elementary education at secondary or high school education. Mapapansin na dalawamput walong porsyento ng kabuuang bilang ng eskwelahan ang ang mayroon lang senior highschool. Agarang solusyon ang kailangan para maayos ang napalakaling mismatch sa ating mga paaralan,” saad pa ni Pineda-Cayabyab.
“Nanawagan po ako sa Department of Education na sana ay maglaan ng mas malaking pondo para sa agarang pagpapagawa ng mga karagdagang high school at senior high schools nang sa gayun ay hindi mahinto ang pag-aaral ng ating mga kabataan,” panawagan pa ng opisyal. (Dindo Matining)
The post Board member sa DepEd: Dagdagan pondo sa pagpapatayo ng eskwelahan sa Pampanga first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento