Kakausapin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian kaugnay sa tila pagbabantang pahayag nito na posibleng makompromiso ang mga overseas Filipino workers (OFW) sa Taiwan dahil sa presensya ng United States forces sa mga lugar na ipinagamit ng gobyerno sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sa panayam ng media sa Pangulo sa kaniyang pagbisita sa Bulacan nitong Miyerkoles, batid nitong nais din ng ambassador na ipaliwanag kung ano ang naging pahayag nito sa isyu ng EDCA at ng mga OFW sa Taiwan.

Sinabi ng Pangulo na maging siya ay nagulat din sa naging pahayag ng Chinese Ambassador subalit posibleng hindi lamang nagkaintindihan dahil sa paggamit nito ng English.

“I will be talking to the ambassador soon, and I’m sure he will be very anxious to give his own interpretation of what he was trying to say. We were all a little surprised but I just put it down to the difference in language,” saad ng Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na posibleng nagkamali lamang sa translation ang Chinese Ambassador lalo na at hindi naman English ang kaniyang nakasanayang salita.

Batay sa pag-intindi ng Pangulo sa sinabi ni Huang, hindi dapat mag-udyok ang Pilipinas o painitin ang tensyon kaugnay sa presensya ng US Forces sa bansa dahil baka makaapekto ito sa mga OFW na nasa Taiwan.

“I think there must have been an element of a..yung lost in translation. English is not his first language but I’m very interested to know what it is that he meant. I interpret it as he in trying to say that you should not, Philippines do not provoke or intensify the tensions because it will impact badly on the Filipinos. That’s how I take it,” dagdag ng Pangulo.

Hindi nagustuhan ng ilang mambabatas ang tila pananakot ni Huan at hiniling sa gobyerno na patalsikin at pabalikin ito sa China. (Aileen Taliping)

The post Chinese Ambassador Huang Xilian kakausapin ni PBBM kaugnay sa mga naging pahayag nito patungkol sa OFWs sa Taiwan first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT