Sinagot ng abugado ng Malacañang si Chinese Ambassador Huang Xilian sa paniwala nito na sinasamantala ng United States government ang paggamit ng apat na lugar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Pilipinas para makapanghimasok sa isyu sa Taiwan Strait.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at dating Senate President Juan Ponce Enrile, walang intensiyon ang Pilipinas na maging agresibo sa China sa pamamagitan nang pagpapagamit sa apat na lugar sa puwersa ng Estados Unidos.

Ang EDCA aniya ay nakaugat sa matagal mg relasyon ng Pilipinas sa Amerika na nirerespeto ng gobyerno kaya dapat na igalang ito ng China gaya ng pagrespeto sa tratado nila sa Russia.

“Yung EDCA ay bunga ng historical relation natin sa Amerika at ng mutual defense treaty natin with the USA. We are bound to respect our own treaty like China respects its own treaty with Russia. They should understand that,” ani Enrile.

Binigyang-diin ng kalihim na saklaw ng Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at Amerika ang pagsusulong ng joint exercises sa ilalim ng EDCA kaya maling sabihin ng sugo ng China na posibleng maging mitsa ito ng tensiyon sa Taiwan Strait.

“That is within the cover of the MDT and our historical security relationship with the US.We are not doing it to be aggressive against China. It is simply a product of our long association, political association by US and we have to respect that, and they have to respect that,” dagdag ni Enrile.

Sinabi ng abugado ng Malacañang na sa pagkakaintindi nito, kung ang Taiwan mismo ang magdedeklara ng independence ay hindi kikilos ang Amerika, pero kung aatake ang China sa Taiwan ng walang dahilan ay saka sasaklolo ang Amerika para ipagtanggol ang Taiwan..

“Ang intindi ko tungkol sa Taiwan, kung ang Taiwan mismo ay magdedeklara ng independence, America is not bound to come to his defense. Pero kung sasalakayin ng China ang Taiwan ng walang dahilan, hindi nagdedeklara ng independence, kasama ang Amerika to defend the freedom and independence of Taiwan. Yan ang alam ko na sitwasyon,” wika ni Enrile.

Nilinaw ng dating Senate President na hindi nakikipag-away ang Pilipinas sa China dahil hindi kayang tapatan ang lakas nito kung puwersa ang pag-uusapan.

Binigyang-diin ni Enrile na kaibigan ng Pilipinas ang China at partner sa kaunlaran pero dapat ding maintindihan na kailangang protektahan ng bansa ang mamamayan laban sa sinumang magtatangka sa kaayusan at kapayapaan.

“We are not against China, we are a friend of China but they have to understand that we have to protect ourselves against anyone,not just China, but against Malaysia, Singapore, Vietnam, Indonesia, Thailand ,Brunei and so forth and so on,” dagdag pa ni Enrile.

Hindi nagustuhan ng ilang mambabatas ang naging pahayag at pananaw ni Ambassador Huang at hiniling sa gobyerno na pauwiin na ito pabalik sa China at ideklarang persona non grata.

(Aileen Taliping)

The post Chinese ambassador nilektyuran ni Enrile first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT