Pinayuhan ni Department of Health (DOH) Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire ang publiko na mag-ingat at umiwas sa pagsasagawa ng occupational at recreational water-related activities sa ilang bahagi ng Puerto Galera matapos 26 sa 35 na lugar ang bumagsak sa water standards ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Nakitaan ng mataas na antas ng oil at grease contaminant ang 26 lugar sa Puerto Galera.
Sa joint statement, sinabi ng DOH at DENR na siyam lamang sa 35 sampling station na sinuri sa Puerto Galera ang nakaabot sa criteria para sa Water Quality Guidelines and General Effluent Standards of 2016 ng huli.
Ang siyam na lugar na ito ay ang Small Lalaguna and Big Lalaguna Shoreline, Balete, Central Sabang Shoreline, Coco Beach, Batangas Channel, Paniquian, Balatero, at West San Isidro Bay.
Inilabas ang resulta ng water quality testing noong Abril 14.
Pinaiiwas din ng DOH ang pagkain ng kontaminadong isda, shellfish at iba pang seafood products mula sa mga apektadong lugar.
Samantala, daan-daang turista na umano ang umatras sa pagbabakasyon sa Puerto Galera.
Ayon sa ulat, sunod-sunod ang naging kanselasyon ng bookings ng mga turista matapos ipahayag ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na bagsak sa water quality test ang tubig sa lugar.
Higit 500 turista na umano ang nagkansela, ayon kay Mary Christine Ibon, senior tourism officer ng Puerto Galera.
The post DOH: 26 lugar sa Puerto Galera positibo ng oil, grease contaminants first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento