Humingi ng tawad ang food vlogger na si Laine Bernardo matapos niyang mag-viral dahil sa kaniyang ginawang video tungkol sa Emriz Bulalohan at Tapsihan.

Sa inilabas na video ni Laine, sinabi niya na nakausap na niya ang pamunuan ng restaurant kung saan nakapag-sorry na siya dito.

Nag-sorry din si Laine sa kanyang mga fan at follower na nadismaya dahil sa kanyang naging video.

Sa naturang video, sinabi ni Laine na tila hindi raw worth it pumunta sa Emriz kahit pa P85 lang ang buffet sa kanila dahil wala raw ang kanyang hinahanap na longganisa o kahit meat man lang.

Noong pumunta kasi si Bernardo sa buffet ay tilapia, tuyo at ilang gulay ang kanyang naabutan. Ang naturang restaurant ay nago-offer ng healthy buffet at nagpapalit ng menu kada araw.

“Alam ko na nagkamali talaga ako at na-disappoint ko ang ilan sa inyo. Ako ay personal nang humingi ng paumanhin at pasensya sa owner ng Emriz noong na-realize ko ‘yung pagkakamali ko,” lahad ni Laine.

Nagpasalamat din sa mga netizen para mapansin ang kanyang pagkakamali niya.

“Kung wala ‘yung mga viewers ko, walang Laine Bernardo. Napakahalaga nun sa’kin lahat, mapa-viewers ko, ‘yung mga small business na bina-vlog ko, kaya patuloy kong gagawin lahat para mas lalong mapaganda at mapabuti ‘yung mga videos na gagawin ko,” sambit pa ng food vlogger.

“Hindi ko na ulit hahayaang mangyari to, lesson learned sa akin ‘to,” aniya pa.

The post Food vlogger nag-sorry sa pagmamaktol dahil walang longganisa first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT