Hindi sinisiguro ng pamahalaan ang epektibong pagpapatupad ng batas sa inclusive education para sa mga mag-aaral na may kapansanan, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.

Ang tinutukoy ng senador ay ang Republic Act No. 11650 o ang Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act. Si Gatchalian ang sponsor ng naturang batas noong 18th Congress.

Pinuna naman ng mga stakeholders at mga advocates na bagama’t mahigit isang taon na simula nang nilagdaan ang batas, hindi pa lumalabas ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito.

Binigyang diin ni Gatchalian ang mahalagang papel ng IRR lalo na’t ito ang magtatakda sa mga minimum services at conditions sa mga admission system at polisiya ng mga paaralan, kabilang ang probisyon ng mga assistive devices, mga pasilidad at imprastraktura para sa proseso ng admission at iba pang mga anyo ng reasonable accommodation.

Para matiyak ang unti-unting pagsasakatuparan sa mga layunin ng RA 11650, nakasaad sa batas na kinakailangan ang pagbuo ng multi-year roadmap na gagabay sa pamahalaan at sa pribadong sektor.

Nakasaad sa batas na dapat ilagay sa multi-year roadmap ang kasalukuyang polisiya, mga practices, mga kakulangan at mga hamong kinakaharap sa edukasyon ng mga mag-aaral na may kapansanan. Mandato ng roadmap na magbalangkas ng mga detalyadong target at mga inaasahang resulta sa loob ng limang taon.

Sa ilalim ng batas, dapat makapagpatayo ng isang Inclusive Learning Resource Center (ILRC) para sa learners with disabilities sa bawat lungsod at munisipalidad. Inaasahang ipapatupad ng mga ILRC ang mga programa para sa inclusive education at maghahatid ng mga libreng serbisyo para sa mga mag-aaral na may kapansanan.

Bagama’t matatagalan pa bago makamit nang ganap ang mga layunin ng batas, tinukoy ni Gatchalian na may ilang mga hakbang na maaari nang gawin ang pamahalaan.

Sa ilalim ng 2023 national budget, may P160 milyong nakalaan sa capital outlay ng Department of Education (DepEd) para sa pag-convert ng isang Special Education Center kada rehiyon upang maging modelong ILRC. (Dindo Matining)

The post Gatchalian: Batas para sa mga mag-aaral na may kapansanan, ‘di naipapatupad ng mabuti first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT