Bumaba ang antas ng pagtuturo kaya marami ang hindi nakapasa sa katatapos lang na bar examination para sa mga abogado.
Ito ang inihayag ni Chief Presidential Legal Counsel at dating Senate President Juan Ponce Enrile matapos maitala ang mababang bilang ng mga nakapasa sa bar examination nitong April 14, 2023.
Sa kanyang lingguhang programa sa telebisyon, sinabi ni Enrile na nakalulungkot na mahigit kalahati sa mga kumuha ng bar exam ang hindi pumasa.
“Ang ibig sabihin nyan, bumaba ang standard ng pagtuturo,” ani Enrile.
Dahil dito, kailangan aniyang paigtingin at itaas ang standard ng pagtuturo upang mas marami ang magtagumpay sa kanilang hangarin na maging miyembro ng hudikatura.
Batay sa report, 3,992 lamang ang nakapasa sa bar exam mula sa 9,183 na kumuha ng bar exam noong 2022.
Sinabi ni Enrile na bagamat may mga bagong abogado, hindi pa aniya tapos ang pag-aaral ng mga ito bagkus, tuloy-tuloy lang at umpisa pa lamang ng kanilang bagong tatahaking daan sa abogasya.
“Hindi pa tapos ang pag-aaral nila, umpisa lang yan. To be a lawyer is a continuous study. Akala mo marunong ka na, nag-uumpisa ka pa lang,” wika ni Enrile. (Aileen Taliping)
The post Kaya konti pumasa sa Bar Exams! Enrile nakulangan sa turo sa Law school first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento