Nangangailangan umano ng mga seasonal farm workers ang Korea, ayon kay Pampanga Rep. Anna York Bondoc.

Isinapubliko ito ni Bondoc sa kaniyang video na makikita sa kaniyang social media account. Kinuhanan ang video habang si Bondoc dating Pangulo at incumbent Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo at iba pang mambabatas ay nasa Korea kamakailan.

“Farm workers po talagang wanted po kayo dito. Kulang po talaga yung farm workers nila. So they are really really looking for seasonal farm workers. And pinromote ko po of course ang Pampanga as one of the sources of seasonal farm workers,” sabi ni Bondoc sa video.

Napag-usapan umano ang pangangailangan ng Korea ng mga manggagawang bukid sa isang pulong sa Korean National Assembly.

Ang mga magsasaka kailangan umano sa taniman ng mansanas, kamatis, at pipino.

Sa hiwalay na post, sinabi ni Bondoc na ang unang batch ng mga farm worker mula sa Pampanga ay dumating na sa Korea.

“If all goes well (at wala raw please mag break ng contract) .. They will request for more,” dagdag pa ni Bondoc.

Pinag-usapan din umano ang pagkakaroon ng Pilipinas at Korea ng kooperasyon sa larangan ng turismo, climate change at sektor ng enerhiya. (Billy Begas)

The post Korea nangangailangan ng farm workers first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT