Sumakabilang-buhay na ang patriarch ng Lopez clan na si Oscar Moreno Lopez sa edad na 93.

Si Lopez ay chairman emeritus, chairman at chief executive officer ng Lopez Holdings Corporation at First Philippine Holdings Corporation, ayon sa ulat ng ABS-CBN.

Kapatid siya nina Eugenio “Geny” Lopez at Manuel “Manolo” Lopez.

Matapos mabawi ng pamilya Lopez ang kanilang assets na nakumpiska noong panahon ng Martial Law, pinamunuan ni Oscar ang First Philippine Holdings.

Siya ang binigyang-kredito sa pagpipiloto sa kompanya mula sa pagkabangkarote hanggang sa naging maunlad at nangunguna pagdating sa power generation, manufacturing at property development.

Kilala rin si Oscar sa pagpapatupad ng mga programa sa business excellence, corporate governance at corporate social responsibility.

Siya rin ang nasa likod ng “Lopez Credo” na siyang nagsisilbing corporate manifesto ng Lopez Group of Companies.

Naniniwala siya na ang pangunahing dahilan ng pagiging miyembro ng grupo ay para pagsilbihan ang mamamayang Pilipino.

Nagsilbi rin siyang director ng ABS-CBN Corporation na bahagi ng Lopez Group, chairman ng Lopez Group Foundation, chairman ng Knowledge Channel Foundation at chairman and president ng Eugenio Lopez Foundation na nangangasiwa sa Lopez Museum at Library. (IS)

The post Lopez patriarch pumanaw sa edad na 93 first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT