Gumagawa na ng paraan ang gobyerno para ligtas na maiuwi sa bansa ang tinatayang 300 Pinoy na naiipit sa kaguluhan sa Sudan.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kumakalap na ang gobyerno ng mga dagdag na impormasyon at inihahanda na ang mga paraan upang mabilis na makalabas sa Sudan ang mga Pilipino.
Hindi aniya gumagana ang lahat ng airport sa Sudan kaya tinitingnan nila ang mga posibleng paraan para mailigtas ang mga Pilipino sa nabanggit na bansa.
“We have about 300 people in Sudan. Unfortunately, none of the airports are functioning. They are still under fire,” anang Pangulo.
Tinatrabaho na aniya ang evacuation at contingency plan para masiguro ang kaligtasan ng mga Pinoy sa Sudan.
Sa ngayon ayon sa Presidente ay hindi pa nakakita ang gobyerno ng ligtas na daan para makaalis ang mga Pinoy sa Sudan at madala sa Cairo, Egypt kung saan naroon ang embahada.
Naghihintay pa aniya ang gobyerno ng impormasyon kung kailan ligtas na makaalis ang mga Pinoy sa Sudan.
“We cannot ascertain a secure land route for them to leave. It is a long road from Khartoum to Cairo which is where our embassy that is in charge also of Khartoum and Sudan,” dagdag ng Pangulo.
Nagsimula ang bakbakan sa Sudan noong April 15, 2023 sa pagitan ng Sudanese Armed Forces at Rapid Support Forces paramilitary group dahil sa umano’y agawan ng kapangyarihan. (Aileen Taliping)
The post Marcos: Tinatrabaho na paglikas ng 300 Pinoy na naipit sa Sudan first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento