Kinalampag ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) ang Kongreso para ipasa ang mga nakabinbing panukalang batas para sa pagdaragdag sa pensiyon ng mga beterano ng ikalawang digmaan.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PVAO Undersecretary Reynaldo Mapago na sa ngayon ay hindi pa rin maitaas ang old age pensiyon ng world war veterans dahil nakabinbin pa rin sa Kongreso ang mga panukalang batas para madagdagan ang pensiyon ng ito.
Ang tinatamasa lamang aniya ngayon ng mga beteranong sundalo ay ang regular na old age pension ng mga ito at administrative disability benefits, kasama na rito ang libreng gamot.
“Meron tayong mga nakasalang sa Kongreso na itaas ito, hopefully maging batas ito at least ay tataas ng konti dahil matagal na kasi itong batas na ito, may 25 years na ito. Sana nga ay maayos natin ito, maitaas naman,” ani Mapago.
Nakatakdang pangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes, April 8 ang ika- 81 selebrasyon ng Araw ng Kagitingan sa Pilar, Bataan kung saan inaasahang dadaluhan ng mga nabubuhay pang mga beterano ng ikalawang digmaan.
Batay sa record ng PVAO, nasa dalawang libo na lamang ang naitalang buhay na mga betrano ng ikalawang digmaan noong April 8, 2022 mula sa orihinal na bilang na 151,842 na nakipaglaban noong ikalawang digmaan.
Taon-taon tuwing sumasapit ang selebrasyon ng Araw ng Kagitingan ay umaasa ang mga beterano ng ikalawang digmaan na makatanggap sila ng magandang balita mula sa gobyerno para sa inaasam na pagtaas ng kanilang pensiyon.
Pero sa kabila ng kawalan ng dagdag sa pensiyon, sinabi ni Mapago na aktibo ang PVAO sa pagbibigay ng health care benefits sa mga beterano gaya ng libreng gamot at mga itinatayong wards sa buong bansa.
“Ang pinaka-importante sa atin ay yung sa health care benefits ng ating mga beterano. Aside from the Veterans Memorial Medical Center, meron tayong itinatayong mga veteran wards across the country, mga 24 wards ito.
Ang goal natin is that no veterans should pay for his or her own medicine,” dagdag ni Mapago. (Aileen Taliping)#
The post Mga panukalang batas para sa pagdaragdag sa pensiyon ng world war veterans, inaamag sa Kongreso first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento