Bigong makapasok sa Top 12 ng latest Octa Research senatorial survey ang mga kandidato ng oposisyon.

Sa bagong Octa Research survey na isinagawa noong Marso 24-26 at may 1,200 respondents, laglag sa Top 12 ang mga opposition senatorial candidate, kabilang si dating Vice President Leni Robredo at dating Senador Francis Pangilinan.

Sina Robredo at Pangilinan ay nagtambal sa nagdaang 2022 presidential elections subalit kapwa natalo sa tambalan nina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte Carpio.

Sa nasabing survey, si Robredo ay nasa pang-18 pwesto sa nakuhang 16 porsyento habang si Pangilinan naman ay pang-14 na may 20 porsyento na kapareho ng sikat na TV host na si Willie Revillame na nasa pang-11 posisyon.

Ang iba pang mga ‘pinklawan’ senatorial candidate na hindi pumasok sa Top 12 ay si dating Senate President Pro Tempore at Batangas Rep. Ralph Recto at dating Senate Minority Leader Franklin Drilon nasa ika-15 at ika-16 na pwesto sa natipong 17 porsyento.

Nasa pang-17 pwesto ang dating senador at dati ring Department of Information And Communications Technology Gregorio ‘Gringo’ Honasan na nakakuha rin ng 17 porsyento.

Sina dating senador Richard Gordon at Antonio Trillanes IV na tumakbo rin sa pagka-senador sa ilalim ng tambalang Robredo-Pangilinan sa nagdaang halalan ay hindi nakapasok kahit na sa Top 20.

Si Gordon ay pang-21 sa nakuhang 15 porsyento habang si Trillanes naman ay may 14 porsyento lamang para sa ika-22 puwesto.

Samantala si dating senador Mar Roxas naman ay nasa ika-25 pwesto sa nakuhang 12 porsyento habang si Paolo Benigno ‘Bam’ Aquino ay pang-27 na may 11 porsyento lamang. (Dindo Matining)

The post Mga ‘pinklawan’ senatorial candidate laglag sa Octa Research survey first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT