Dapat ay hindi umano mawala ang mandato ng Land Bank of the Philippines (LBP) na tulungan ang mga magsasaka at mangingisda kapag natuloy ang merger nito sa Development Bank of the Philippines (DBP).

Ayon kay House Minority Leader at 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan, dapat manatili na nakalaan para sa mga magsasaka at mangingisda ang 5% ng loan portfolio ng LBP.

“So long as this obligation to extend low-cost financing to farming and fishing communities is left unimpaired, we won’t get in the way of the proposed combination of the two banks,” sabi Libanan.

Kumpiyansa rin si Libanan na itutuloy ng LBP ang pagpapa-utang sa mga micro, small, and medium-sized enterprises (MSMEs) lalo na ang mga nakabase sa probinsya.

Ayon kay Libanan, mahalaga ang papel na gagampanan ng LBP sa mga probinsya kung saan maraming pribadong rural bank ang nagsara sa mga nakalipas na taon.

Mula 2012, umabot sa 123 pribadong rural bank ang ipinasara ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), batay sa datos ng Philippine Deposit Insurance Corp. (PDIC).

Nais ng Marcos administration na pagsamahin ang LBP at DBP upang mas gumanda at maging matipid ang operasyon nito.

Ang pagsasanib ng dalawang bangko ay lilikha ng pinakamalaking bangko sa bansa na magkakaroon ng asset na P4.18 trilyon, ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno.

Ang LBP ay mayroong 752 branch, 2,810 ATM at mahigit 10,000 empleyado samantalang ang DBP ay mayroong 147 branch, 836 ATM at mahigit 3,600 empleyado. (Billy Begas)

META DESC: Dapat ay hindi umano mawala ang mandato ng Land Bank of the Philippines (LBP) na tulungan ang mga magsasaka at mangingisda kapag natuloy ang merger nito sa Development Bank of the Philippines (DBP).

The post Pagtulong sa magsasaka, mangingisda dapat ituloy sa LBP-DBP merger first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT