Pinayuhan ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang publiko, partikular ang mga bibiyahe sa mga pantalan ng bansa na dagdagan ang kanilang pasensiya sa kanilang pag-uwi sa mga lalawigan ngayong panahon ng semana santa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni MARINA Director Ronald Bandalaria na marami ang inaasahang uuwi sa mga probinsiya kaya aasahang dadagsa ang mga tao sa mga pantalan sa bansa.
Kailangan aniyang habaan ang pasensiya dahil hindi naiiwasan kung minsan ang mga munting aberya lalo na at ngayon lamang nagluwag ng mga protocols, kumpara sa nakalipas na dalawang taon.
“Dito sa panahon po ng Semana Santa, hinihingi po natin sa ating mga pasahero na magdala ng dagdag na pasensiya. Alam naman po natin na ang paglalakbay sa panahong ito ay medyo mas maraming tao kaysa dati,” ani Bandalaria.
Kasama aniya ang MARINA sa nagpapatupad ng Oplan Biyahe Ayos bukod sa Department of Transportation (DOTr) kung saan itinaas sa heightened alert status ang mga barko sa mga pantalan.
Tiniyak naman ng opisyal na mayroong silang mga tauhan na nakabantay sa mga pantalan at nag-iinspeksiyon ng mga barko para masiguro ang ligtas na pagbiyahe ng mga pasahero.
“Ganoon pa man, mayroon po tayong mga tauhan ng gobyerno, kasama po diyan ang MARINA na nakaantabay sa mga pantalan at nag-iinspeksiyon ng mga barko para po masigurado po natin ang ligtas at mapayapang paglalakbay ng ating mga kababayan,” dagdag ni Bandalaria. (Aileen Taliping)#
The post Payo ng MARINA sa mga pasahero: dagdagan ang pasensiya ngayong semana santa first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento