Hihingi ng tulong sa Amerika si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nakatakdang tatlong araw na official visit nito sa Estados Unidos.
Sa isang panayam sa Pangulo nitong Lunes, kasama sa magiging misyon nito sa pakikipagkita kay United States President Joe Biden ang paghingi ng tulong na makakatulong sa pagbangon mula sa epekto ng pandemya.
Kung ano aniya ang mga ginawa nito sa nakalipas na foreign trips ay ganito rin ang gagawin sa kanyang pagbisita sa Amerika.
“And siyempre marami tayong hihingin na tulong dahil lahat tayo ay nagre-recover sa pandemya. Kagaya nung nga biyahe na nagawa ko , kung anong mga partnership na puwedeng buuin, anong mga bagong teknolohiya na puwedeng dalhin sa Pilipinas na magagamit natin,” anang Pangulo.
Papasadahan aniya nila ni President Biden ang mga umiiral na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika gaya ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Mutual Defense Treaty (MDT) .
Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na marami na ang nabago sa sitwasyon dahil sa evolution tulad na lamang aniya ng sitwasyon sa South China Sea, tensiyon sa Taiwan Strait at ang umiinit na sitwasyon sa North Korea kaya kailangan ding mag-adjust para dito.
“Our VFA and the mutual defense treaty that we have with the United States. It has to evolve dahil nag-eevolve din kailangan ina-adjust din natin yan dahil merong evolution, may nagbabago rin sa sitwasyon na hinaharap natin,” dagdag ng Pangulo.
Kasama sa bibitbiting isyu ng Pangulo ang may kinalaman sa climate change at magpapatulong sa mga puwedeng gawin, kasama na rito ang hangarin na makakuha ng “green bond” kung saan nagbibigay aniya ng pondo ang Amerika para tumulong sa epekto ng climate change.
“The United States has always been our partners in terms of the special relationship between the Philippines and the United States. Yun ang pag-uusapan namin,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)
The post PBBM hihingi ng maraming tulong sa Amerika first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento