Pinag-aaralan na ng gobyerno ang posibilidad na ibalik sa Marso ang bakasyon ng mga estudyante.
Sa harap na rin ito ng mungkahi ng mga magulang at ilang mambabatas na ibalik ang dating nakagawiang bakasyon ng mga estudyante upang makasama ang mga magulang sa pagbabakasyon.
Ginawang dahilan ng mga magulang na dahil sa nabagong schedule sa pasok sa paaralan ay nataon sa panahon ng tag-ulan ang bakasyon ng mga mag-aaral sa Hulyo.
Sa isang panayam kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi nitong marami na ang nagmumungkahi na ibalik na sa dati ang school year dahil tapos na ang lockdown at karamihan sa mga eskuwelahan ay nagpapatupad na ng face-to-face classes.
“Pinag-aaralan natin nang mabuti ‘yan dahil nga marami nga nagsasabi, puwede na tapos na ‘yung lockdown, karamihan na ng eskwela face-to-face na. Kakaunti na lang ‘yung hindi na. Pero palagay ko, ‘yang diskusyon na ‘yan madedesiyunan ‘yan very soon on what will be the — ano ‘yung tama,” saad ng Pangulo.
Malaking factor din aniya ang pabago-bagong lagay ng panahon kaya hindi agad matukoy kung kailan magsisimula ang ulan at kung kailan mararamdaman ang mainit na panahon.
Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na isa sa ikinukunsidera ngayon ng gobyerno sa mungkahing ibalik sa Marso ang bakasyon ng mga bata ay ang tumataas na namang kaso ng COVID-19 at ang umiiral na national state of emergency.
Kailangan aniyang mag-adjust ang bansa ng naaayon sa sitwasyon gayundin sa magiging payo ng World Health Organization (WHO) hinggil sa ipinapatupad na state of emergency.
“Kung kailan mag-uumpisa ng bakasyon ay hindi pa nade-decide dahil mayroon pa rin tayong mga cases na nakikita natin na COVID na umaakyat na naman, ‘yung replication rate ay umaakyat na naman. Hindi naman malala dahil ang pinanggalingan ay kakaunti lang. And we are better than most other countries,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)
The post PBBM: Hirit na ibalik sa buwan ng Marso ang bakasyon ng mga estudyante, pinag-aaralan first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento