Maabot din ng dahan-dahan ang bente pesos na presyo ng bigas.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang panayam matapos tanungin kung kailan matitikman ng mamamayan ang pangako nito na bente pesos kada kilo ng bigas.
Ayon sa Pangulo, pinapalakas ng gobyerno ang produksyon ng mga magsasaka upang maibenta ng mas mura ang presyo ng bigas sa mga Kadiwa outlet.
“Dahan-dahan natin paaabutin ‘yan. Ang aming ginagawa sa Kadiwa pinaparami natin ‘yan. Ang nangyayari ay kailangan na rin talaga nating bantayan ‘yung supply ng mga agricultural commodities dahil kinukuha nga natin lahat nung mga mura, dinadaan natin sa Kadiwa,” saad ng Pangulo.
Ang ginagawa aniya ngayon ng gobyerno ay paramihin ang produksyon ng mga magsasaka para mas marami ang maisu-supply sa mga Kadiwa center na mabibili ng mas mura.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. na may mga balakid kaya hindi agad-agad maibaba ang presyo ng bigas tulad ng mataas na presyo ng langis, inflation at iba pang factor na nakakaapekto sa presyo ng mga bilihin.
“Kaya’t ang nais namin gawin paparamihin natin ‘yan. Ngayon, ang kailangan na kasabay diyan para maiparami natin nang mabuti ‘yung Kadiwa is ayusin natin ‘yung production dati. Kasi hindi naman tayo maaring umasa na ilalagay sa Kadiwa kung imported. Kung minsan, masyado rin mataas pagka imported kaya’t sana manggaling dito sa local,” dagdag ng Pangulo.
Ipinagmalaki ng Pangulo na patok sa publiko ang Kadiwa dahil mas mababa ang presyo ng mga bilihin kumpara sa mga ordinaryong palengke kaya’t dahan-dahan aniya ay inaayos ang Department of Agriculture para palakasin kung saan ang mahinang sistema.
“Hindi pa tapos ‘yung pag-aayos natin ng Department of Agriculture. Ngunit, dahan-dahan alam na namin ‘yung kailangan natin gawin. Alam na natin kung saan ‘yung matibay-matibay ang sistema, kung saan ‘yung medyo mahinang sistema, kung saan puwede talagang — kailangan talagang tulungan, ‘yun ang aming mga tinitingnan ngayon. Kaya’t siguro naman ‘yung 20 piso, siguro down the road mapapaabot natin ‘yan,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)
The post PBBM: Pangakong P20 kada kilo na bigas, maaabot dahan-dahan first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento