Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Miyerkoles ng umaga ang Combined Joint Littoral Live Fire Exercises ng mga sundalong Pilipino at Amerikano na kalahok sa ginaganap na Balikatan exercises sa Naval Station Leovigildo Gantuoqui, San Antonio, Zambales.

Ang live fire exercises ang isa sa tampok na aktibidad sa Balikatan Exercises na nagsimula noong April 11, 2023.

Layon ng joint military exercises na paigtingin ang pinagsamang kakayahan sa maritime security, amphibious operations, live fire exercises, urban operations, aviation operations, counter-terrorism at iba pa.

Personal na sinaksihan ng Pangulo ang pagpapaputok ng rocket launcher na High Mobility Artillery Rocket System (HIMARS) na may kakayahang puntiryahin ang mga malalayong targets.

Kasama ng Pangulo sa ginanap na aktibidad sina US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson, National Defense Secretary Carlitp Galvez, National Security Adviser Secretary Eduardo Año, Congressman Sandro Marcos at mga matataas na opisyal ng AFP.

Tumagal ng halos isang oras ang Pangulo sa Zambales at pagkatapos ng aktibidad ay bumalik din kaagad sa Malacanang.

Mayroong 17,600 kalahok na sundalong Pilipino at Amerikano sa ginaganap na Balikatan Exercises at matatapos ito sa April 28, 2023.

Ang Balikatan exercises ay taunang aktibidad na ginagawa ng Armed Forces of the Philippines at United States Armed Forces na layuning palakasin ang bilateral interoperability, kapabilidad, tiwala at kooperasyon na naitatag na ng ilang dekada.

Tampok sa joint military exercises ang Command Post Exercise, Cyber Defense Exercise, Field Training Exercises at Humanitarian Civic Exercise. (Aileen Taliping)

The post PBBM sinaksihan ang Live Fire Exercises ng joint RP-US Balikatan sa Zambales first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT