Makakaasa ng patuloy na suporta at proteksiyon mula sa gobyerno ang lahat ng manggagawa sa bansa.

Ito ang ipinangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sa kanyang talumpati sa pagsisimula ng Labor Day Celebration sa SMX Convention Center sa Pasay City nitong Linggo ng umaga.

Sinabi ng Pangulo na kasama sa prayoridad ng kanyang administrasyon ang kapakanan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga oportunidad para sa kanilang hanapbuhay.

“Asahan po ninyo na hindi kailanman magpapabaya ang inyong pamahalaan sa larangan ng paggawa at empleyo, lalo na sa ilalim ng aking pamamalakad. Bilang Pangulo, ipinapangako ko na ang proteksyon para sa mga manggagawang Pilipino ay mananatiling pangunahing prayoridad ng aking Administrasyon,” aning Pangulo.

Inatasan ng Presidente ang mga ahensya ng gobyerno na panatilihing matatag ang kanilang mga programa upang magtuloy-tuloy ang pagkakaroon ng trabaho at pagiging produktibo ng mga manggagawa sa bansa.

“Kaya inaatasan ko ang lahat ng mga kaugnay na ahensya, lalong-lalo na ang DOLE, na manatiling nakatuon sa paghahatid ng mga maiinam na programang panghanapbuhay at sa paglinang sa kaalaman at kasanayan ng ating mga manggagawa,” dagdag ng Presidente.

Bagama’t nakakabangon na ang bansa, sinabi ni Pangulong Marcos jr. na dumadaan pa rin sa maraming hamon ang Pilipinas na nagpapabigat sa buhay ng mamamayan,lalo na ang mga manggagawa dahil sa pandemya.

Ramdam aniya ng lahat ang mataas na presyo ng mga bilihin at mga pangunahing serbisyo, gayundin ang problema sa transportasyon kaya ginagawa aniya ng kanyang gobyerno ang makakaya upang matugunan ang mga ito.

Kumpiyansa ang Pangulo na makakaahon din ng ganap ang bansa unti-unti dahil nakikita ang bunga ng pagtatrabaho ng kanyang administrasyon para sumigla muli ang bansa.

” Marami pa tayong ginagawa są iba’t ibang larangan upang mapasigla ang kundisyon ng ating bansa at ng ating empleyo, tulad sa sistema ng ating edukasyon at programang pangkalusugan,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)

META DESC: Makakaasa ng patuloy na suporta at proteksiyon mula sa gobyerno ang lahat ng manggagawa sa bansa, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

The post PBBM tiniyak tulong, proteksyon sa lahat ng manggagawa first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT