Ligtas na sa peligro ang Pilipinong naiulat na nasugatan sa patuloy na bakbakan sa Sudan.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Department of Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo De Vega na daplis lamang ng bala sa kamay ang tinamo ng Pinoy na nasugatan.

Tumangging pangalanan ni de Vega ang nasugatang Pinoy dahil ayaw aniya ng biktima na mag-alala pa ang kaniyang pamilya sa Pilipinas.

“Nadaplisan ng bala sa kamay, kasi nasa labas siya, kilalang nagbebenta ng isda sa parang dampa sa Sudan, kilalang-kilala na siya doon, he is alright,” saad ni de Vega.

Kasama aniya sana ang sugatang Pinoy sa mga ililikas subalit mas piniling manatili at ayaw umuwi ng bansa.

“Mayroon pa 116 na ire-repatriate ngayon araw, kasama sana siya pero ayaw umuwi,” dagdag ni de Vega.

Batay sa record ng DFA, walang naitalang casualty sa nagaganap na giyera sa Sudan at umaasa si de Vega na ligtas lahat ang mga Pilipinong inililikas labas ng nabanggit na bansa.

Inireport din ng opisyal na may isang Pinoy na inatake ng hypertension habang bumibiyahe sa border ng Khartoum at Egypt at inaasikaso na ng medical team.

“Wala tayong casualty, hopefully ligtas lahat. Magandang balita na giyera pero wala tayong casualty,” wika ni de Vega. (Aileen Taliping)

The post Pinoy na nasugatan sa bakbakan sa Sudan, ligtas first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT