Inihayag ng Philippine Ports Authority (PPA) na hindi lamang ang pamunuan nila ang nagsusulong sa Trusted Operator Program-Container Registry and Monitoring System (TOP-CRMS) kundi anim na ahensiya ang sumang-ayon dito kasama na ang MARINA.
Sinabi ito ni PPA General Manager Jay Santiago matapos siyang ipatawag ni Senate Public Services Committee chairperson Senator Grace Poe sa pagdinig ukol sa umano’y mataas na logistics cost sa mga pantalan na dekada nang problema ng mga trucker.
Ang solusyon sana ng PPA na TOP-CRMS para sa nabanggit na problema ay hindi naman aprubado ng kasalukuyang pamunuan ng Department of Transportation (DOTr).
Paliwanag ni DOTr Secretary Jaime Bautista, kaya nila sinuspinde ang TOP-CRMS ay dahil PPA lamang umano ang pabor na isulong ang nasabing programa.
“Yun pong ibang government agencies, they are also not in full support. Because they would really want to understand the project. Kasi ang gusto ng PPA is to approve the implementing guidelines. But sabi nga ng members of the board, ‘Before we do that, be sure that we will like it’. That’s why, we will discuss this again before we implement it or not,” pahayag ni Bautista.
Paglilinaw naman ni GM Santiago, inaprubahan ng PPA Board ang naturang polisiya noong 2021 at anim na departamento ang sumang-ayon dito – ang Department of Transportation (DOTr), Department of Finance (DOF), Department of Trade and Industry (DTI), National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) kabilang na ang MARINA.
“There has been no change in that administrative order. Now, it is different because this is a different administration. So, it is expected and we are not surprised. But I just want to make a clarification that we are not implementing this just because PPA management is the only one who’s pushing this,” lahad ni GM Santiago.
Dagdag niya, ang problema sa container at container returns ay matagal na aniyang problema bago pa man sa panahon ni dating DOTr Sec. Arthur Tugade, kung kailan nasimulan ang programa bilang tugon sa mga sumbong ng mga nahihirapang importers, truckers at customs brokers.
Sa ilalim ng TOP-CRMS, mas paluluwagin ang masikip na tambakan ng mga container sa mga pantalan at mapabilis din ang ikot ng mga truck sa port area upang maiwasan ang iba pang mga bayarin ng mga port users at abala sa trapiko.
Ang PPA ay siyang may mandatong mamahala at subaybayan ang ikot ng mga container sa bawat PPA mandated ports.
Para naman kay Poe, bagama’t sa nakaraang administrasyon pa ang programang ito’y mas makabubuti aniya kung pag-aralan na muna dahil iba na ang administrasyon ngayon.
“Kailangang pag-aralan pa rin. Para kasi this new administration will be responsible for it. Kasi if it’s a failure, it will not reflect on the past board. It will reflect on the current board,” paliwanag ng senadora. (IS)
The post PPA: 6 ahensya pumabor sa TOP-CRMS vs mataas na logistics cost first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento