Itinulak ng isang mambabatas ang pag-update ng Roadmap to Address the Impact of El Nino (RAIN) upang matugunan ang inaasahang kakulangan sa tubig na makakaapekto sa produksyon ng pagkain.

Ayon kay House Deputy Speaker Ralph Recto, apektado rin sa kakulangan ng tubig ang produksyon ng kuryente sa mga hydroelectric power plant.

Sinabi ni Recto na ginawa ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang roadmap bilang tugon sa El Niño na nakaapekto sa bansa noong 2015-2016.

“Meron ng blueprint sa ganitong emergency. Kailangan lang ay to dust it off and brush it up, so it will be attuned to the unique characteristics of the 2023 version of El Nino,” sabi ni Recto.

Ayon kay Recto, isa sa apektado ng inaasahang El Niño ang sektor ng agrikultura na nasa hurisdiksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tumatayong kalihim ng Department of Agriculture.

“Iyong agriculture natin meron ng preexisting comorbidities. On top of this is the recent combined fuel-fertilizer crisis. Foul weather should not be the third,” dagdag pa ni Recto. “Scarcity in water leads to scarcity in food. This is not an alarmist statement. It is a fact, because without water, you cannot grow food.”

Apektado rin umano ng El Niño ang livestock at poultry dahil nagdudulot ito ng heat stress sa mga hayop, ayon kay Recto.

Batay sa datos ng PAGASA, sinabi ng solon na mayroong pitong severe El Nino event sa bansa mula noong 1980. Ang pinakahuli ay nangyari noong 2015-2016 kung saan $327 milyon ang nawala sa sektor ng agrikultura.

Upang matugunan ang El Niño, binalangkas ng Aquino administration ang RAIN na maaari umanong i-update ng kasalukuyang administrasyon. (Billy Begas)

The post Produksyon ng pagkain tagilid sa kakulangan ng tubig first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT