Dismayado si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa pagkakasangkot ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa tangka umanong cover-up sa nakumpiskang P6.7 bilyong halaga ng shabu noong 2022.

Ayon kay Romualdez nakakalungkot na ilan sa mga pulis na sangkot ay miyembro ng PNP Drug Enforcement Group na siyang dapat na humahabol sa mga nagbebenta ng iligal na droga.

“The investigation into these allegations must be swift and thorough. Let the ax fall where it must because police involvement in this alleged cover-up, especially anti-drug operatives, cannot and should not be tolerated,” sabi ni Romualdez.

Habang nagsasagawa ng imbestigasyon, nanawagan si Romualdez na maglatag ng hakbang sa pagreorganisa sa drug unit ng PNP.

Sa isang press conference kamakailan, iniugnay ni Interior Sec. Benhur Abalos sina Police Lt. Gen. Benjamin Santos at Brig. Gen. Narciso Domingo sa tangka umanong cover-up sa pagkakaaresto kay Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr., na nagresulta sa pagkakakumpiska sa halos isang toneladang shabu sa Tondo, Manila noong Oktobre 2022.

Isang kuha ng CCTV ang lumabas kung saan inalisan umano ng posas si Mayo ay pinakawalan.

Samantala, sinabi ni Romualdez na makabubuting magsalita na si PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin kaugnay ng isyu.

“It would also be ideal to hear the statement of PNP Chief Gen. Azurin on the matter. Let us wait for official announcements before jumping to conclusions,” dagdag pa ni Romualdez.

Mayroong mga ulat na nagsasabi na inaprubahan ni Azurin ang pagpapalaya kay Mayo. (Billy Begas)

The post Romualdez dismayado sa pagkadawit ng mga opisyal ng PNP sa P6.7B shabu cover-up first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT