Nais ng mga Pilipino na gamitin ang panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) upang dumami ang produksyon ng pagkain sa bansa, ayon sa Pahayag first quarter survey ng Publicus.

Sa tanong kung saang proyekto dapat gamitin ang MIF, 32% ang nagsabi na gugulin ito sa pagpapaganda ng produksyon ng agrikultura at supply chain.

Sumunod naman ang pagpondo sa universal healthcare na nakakuha ng 23% at ikatlo ang paggamit nito sa pag-aaral na nakapagtala ng 11%.

Sumunod naman ang pagpapatayo ng mga specialty hospital sa lahat ng rehiyon (9%), pagpapatayo ng Water, Sanitation and Hygiene facilities (7%), pagtatayo ng mga tulay na mag-uugnay sa Luzon, Visayas, at Mindanao (6%), Barangay electrification (4%), internet connectivity (3%), pagpapalawak ng National Railway System sa labas ng Metro Manila (3%), pagtatayo ng logistics hub sa iba’t ibang bahagi ng bansa (1%).

Sa tanong kung sino ang dapat na mamuno sa MIF, 26% ang nagsabi na ang Bangko Sentral ng Pilipinas at pumangalawa ang Pangulo ng bansa (24%). Sumunod naman ang kalihim ng Department of Finance (13%), presidential appointee (10%), pribadong sektor (9%), NEDA (7%), at 12% ang wala sa mga nabanggit.

Ang survey ng Publicus ay non-commissioned at ginawa mula Marso 2 hanggang 6. Mayroon itong 1,500 respondents na pinili mula sa mahigit 200,000 Pilipino ng PureSpectrum, isang US-based panel marketplace. (Billy Begas)

The post Sey ng Pinoy: Maharlika Fund gamitin sa pagpaparami ng pagkain first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT