Isang panukala ang inihain sa Kamara de Representantes upang bigyan ng exemption ang mga driver ng pampublikong sasakyan sa pagbabayad ng application o renewal fee sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho.
Ayon kay CIBAC party-list Rep. Eddie Villanueva ang exemption ay makatutulong sa mga driver na kalimitan ay maliit lamang ang naiuuwing kita mula sa pamamasada.
Sinabi ni Villanueva na sa malalayong lugar, mayroong mga tricycle driver na walang professional driver’s license o expired ang lisensya dahil hindi kaya ng mga ito na tustusan ang gastos sa pagkuha ng lisensya.
Sa ilalim ng House Bill 7796, exempted ang mga driver ng trucks-for-hire, UV express service, public utility bus (PUBS), public utility jeepney (PUJs), tricycle, filcab, at taxis.
Hindi naman umano saklaw ng panukala ang mga driver sa ilalim ng Transport Networks corporations.
Sa kasalukuyan ay umaabot sa P600 hanggang P700 ang bayad sa pagkuha ng bagong lisensya.
Upang mabigyan ng exemption, kailangan ng sertipikasyon mula sa lokal na pamahalaan na ang aplikante ay PUV driver at membership identification card na mula sa mga transport organization o tricycle operators and drivers association (TODA).
Ang mga mamemeke ng dokumento upang makakuha ng exemption sa pagbabayad ay pagmumultahin ng P50,000 hanggang P100,000 at/o isa hanggang anim na buwang pagkakakulong. (Billy Begas)
The post Tsuper ng pampublikong sasakyan, bet ilibre sa application, renewal fee sa pagkuha ng lisensya first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento