Sinampolan ng pulis ang grupo ng YouTube prankster na Tukomi matapos silang mag-viral dahil sa kanilang kidnap prank.
Matatandaan na pinag-usapan ang Tukomi matapos silang tutukan ng baril dahil sa kanilang kunwaring pagdukot sa isang lalaki sa isang area sa Las Piñas.
Hindi nila alam na may isa palang pulis sa lugar kung saan nila ginawa ang prank, na nakilalang si PSSG. Ronnie Conmigo, isang imbestigador sa Integrity Monitoring and Enforcement Group ng PNP.
Tuluyan nang nagsampa ng kaso si Conmigo sa Las Piñas Police laban sa Tukomi dahil sa ginawang prank na nakagambala sa publiko.
“Para hindi na po maulit ‘yung ginagawa nila sir kasi maraming gumagaya. Saka napakadelikado sir, maraming madadamay po eh kasi andaming tao sa lugar,” wika ni Conmigo.
Ayon naman kay PNP Public Information Office chief PCOL. Red Maranan, posibleng makulong ng anim na taon ang mga gagawa ng ganitong prank na lalabag sa Article 53 ng Revised Penal Code o ang ‘tumults and other disturbance of public orders’.
Posible pang tumaas ang sentensya sa 12 taong pagkakakulong kapag in-upload ito sa social media sa ilalim ng anti-cybercrime law.
“Huwag po nating gawing biro sa mga vlogs and pranks ang about sa paggawa ng krimen dahil ‘yan po ay may kaukulang parusa,” paalala ni Maranan.
Wala pang pahayag ang Tukomi tungkol sa isinampang kaso laban sa kanila. (RP)
The post Tukomi kinasuhan ng pulis sa kidnap prank first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento