Kinastigo ni Senador Raffy Tulfo si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian dahil sa pagbabanta nito tungkol sa employment ng libo-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Taiwan kapag hindi tinutulan ng Pilipinas ang kalayaan ng Taiwan.

Binansagan pa ng senador si Huang na isang bully na hindi diumano kuntento na hina-harass ng China ang mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea at ngayon naman ay ginagamit naman nito ang mga OFW bilang hostage sa gitna ng isyu nito sa Taiwan sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

“Si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian ay nagbitaw ng mga salitang lantarang minamaliit ang mga Pilipino nang dahil sa away ng China at Taiwan. Ginamit niya sa kanyang pambubully ang inosente nating mga OFWs sa Taiwan para utusan tayong gawin ang mga kagustuhan nila,” sabi ni Tulfo.

“To Chinese Ambassador Huang Xilian, this is not acceptable, and we will never bow down to this kind of bullying! Sa mga kababayan natin sa Taiwan, huwag po kayong mabahala. Hinding-hindi po namin kayo pababayaan,” dagdag pa niya.

Nauna nang inutusan ni Huang ang Pilipinas na tutulan ang kalayaan ng Taiwan na inaari ng China bilang bahagi ng kanilang teritoryo.

“The Philippines is advised to unequivocally oppose ‘Taiwan independence’ rather than stoking the fire by offering the US access to the military bases near the Taiwan Strait if you care genuinely about the 150,000 OFWs,” sabi ni Huang sa isang forum noong nagdaang linggo.

Ayon kay Tulfo, walang karapatan ang sinoman, kahit pa ang pinakamataas na opisyal sa China na utusan tayo sa dapat nating gawin at pagbantaan ang mga OFWs sa sarili nating bansa.

Aniya, ang isyu ng Tsina sa Taiwan o sa Enhanced Defense Cooperation Agreement ay dapat hinarap nila sa madiplomasyang paraan, sinunod ang tamang proseso at protocol kapag ang isyu ay sa pagitan ng mga bansa.

Dagdag pa ni Tulfo pa matagal nang foreign ministry officer ng China si Xilian pero sa halip na makipag-usap ng maayos nang gobyerno sa gobyerno, dinamay pa niya ang mga inosenteng OFWs sa kaniyang pananakot. (Dindo Matining)

The post Tulfo: Chinese envoy sa Pilipinas, bully! first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT