Nakipagpulong si Senador Raffy Tulfo sa National Electrification Administration (NEA) administrator Antonio Almeda para talakayin ang kasalukuyang problema sa krisis sa kuryente sa Occidental Mindoro na inilagay sa state of calamity dahil sa nararanasang 20 oras na brownout araw-araw sa nasabing probinsiya.

Sa kanyang pulong kay Alameda, tinanong nito kung ano na ba ang kanilang ginagawang hakbang para maresolba ang power krisis sa naturang lalawigan.

“Sa ibinigay na briefing ni Admin Almeda sa akin, hiniling niya na bigyan siya ng hanggang tatlong linggo mula ngayon para makapagbigay sila ng konkretong solusyon sa problemang ito,” sabi ni Tulfo, chairman ng Senate energy committee.

Noong Abril 5, nagsagawa din ng consultative meeting ang komite ni Tulfo sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para pag-usapan ang malawakang brownout sa Occidental Mindoro.

Napag-usapan sa nasabing pulong na gagawa ang Occidental Mindoro Electric Cooperative, Inc (OMECO) ng resolusyon na mangungutang ang NEA ng P50 milyon para sa bumili ng bunker fuel bilang pansamantalang solusyon sa nararanasang brownout doon.

Sabi ni Tulfo, humiling na ang NEA ng Certificate of Exemption (COE) sa Department of Energy (DOE) para payagan ang OMECO na pumasok sa Emergency Power Supply Agreement (EPSA).

Kapag nangyari iyon, makakuha na sila ng modular gensets mula sa Singapore na kayang maglikha ng 17 megawatts (MW).

Dagdag pa ni Tulfo, sinabi umano ng NEA na humiling na sila ng paglipat ng apat na modular gensets na may 2MW kada isa mula sa Mindanao na kayang mag-produce ng hanggang 8MW.

Ang nasabing modular gensets ay ginamit noong 2013 nang magkaroon ng emergency power crisis sa Mindanao.

Maliban diyan, sinabi ni Tulfo na hiniling na rin ng NEA sa DMCI Power Corporation na magbigay ng tinatayang 5MW ng elektrisidad mula Oriental Mindoro patungo sa Occidental Mindoro. Ang 5MW na ito ay makakapagbigay ng dagdag na apat na oras ng elektrisidad kadaw araw sa Occidental Mindoro. (Dindo Matining)

The post Tulfo sa NEA: Solusyunan krisis sa enerhiya sa Occidental Mindoro first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT