Isang resolusyon ang inihain sa Kamara de Representantes upang kilalanin ang unang Filipina na nakatapos ng World Marathon Challenge.

Inihain nina Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla at kaniyang mga anak na sina Agimat party-list Rep. Bryan Revilla at Cavite Rep. Jolo Revilla ang House Resolution 866 upang kilalanin ng Kamara si Julie Uychiat, isang nurse sa Estados Unidos at tubong Negros Occidental.

Sumali si Uychiat sa World Marathon Challenge 2023 na ginanap mula Enero 31 hanggang Pebrero 6.

Ang World Marathon Challenge ay isang logistical at physical challenge kung saan tatakbo ang isang kalahok sa pitong kontinente sa loob ng pitong araw. Ang tatakbuhing ay 42.2 kilometrong marathon distance sa Antarctica, Africa, Australia, Asia, Europe, South Amerika at North America sa loob ng 168 oras.

Si Uychiat ang nakatakbo ng pinakamabilis sa Dubai, Madrid, Fortaleza at Miami leg ng marathon, siya ay naka-fourth sa Antarctica, third sa Cape Town at second sa Perth.

Sinimulan ni Uychiat ang ‘Run for Kalipay’ at nakalikom doon ng P1.6 milyon.

Ang Kalipay ay isang non-profit organization na tumutulong sa mga batang walang tirahan, inabandona, malnourished, inabusong pisikal at sekswal at mga biktima ng child labor at trafficking at foundling.

“Julie Uychiat is a Filipino athlete who deserves Congressional recognition for giving pride and honor to the Philippines and for her compassionate service to the Filipino poor,” sabi sa resolusyon. (Billy Begas)

The post Unang Pinay na nakatapos sa World Marathon Challenge nais kilalanin sa Kamara first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT