Pinawi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pangamba ng ilang mambabatas at publiko sa kalagayan ng mga Pilipinong manggagawa sa Taiwan kaugnay sa posibilidad na magkagirian ang China at Amerika.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo Jose de Vega na wala silang natatanggap na impormasyon na nag-aalala at gustong umuwi na ang mga manggagawang Pinoy na nasa Taiwan.
Wala aniyang humihingi ng repatriation dahil sanay na ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Taiwan sa mga kaganapan at wala namang mga kaganapan para mag-alala ang mga ito.
“Wala pa tayong nababalitaan na gustong umuwi or nababahala. Sanay na sila dito. So far, nobody is asking for repatriation to go home,” saad ni De Vega.
Tiniyak ng opisyal na mayroong nakahandang contingency plan ang DFA sakaling lumala ang girian sa pagitan ng China at Taiwan at palaging mayroong ugnayan aniya ang Manila Economic and Control Center sa Taipei at Kaoshiung sa mga lider ng Filipino community sa nabanggit na bansa.
Pinawi ni De Vega ang mga agam-agam at haka haka na posibleng makompromiso ang kaligtasan at kapakanan ng mahigit 200,000 OFWs sa Taiwan dahil hindi nakikipag-away ang Pilipinas sa kahit na alinmang bansa.
“There’s no need for any party to make statements that will be interpreted that parang nagbabanta sila sa ating mga kababayan sa Taiwan o saan man kasi lahat naman ay itinuturing nating kaibigan.Our dealings with other countries have always been on the basis of mutual respect and adherence to the principles of international law including the non-use of force. We offer friendship to all,” dagdag ni de Vega.
Nauna rito nagpahayag ang embahada ng China na posibleng madamay ang mga Pilipino sa Taiwan kapag nagkaroon ng girian dahil malapit lamang ang Taiwan sa apat na mga lugar sa Pilipinas na ginagamit ng pwersa ng Amerika sa kanilang joint military exercises sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). (Aileen Taliping)
The post Walang mga OFW sa Taiwan na gustong umuwi sa ‘Pinas sa harap ng China-Taiwan conflict – DFA first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento