Nagsimula nang tanggalin ng Twitter ang mga blue verification check mark ng ilang account, kung saan kahit ang ilang sikat na personalidad ay damay din.

Kapansin-pansin na wala nang check mark ang account ni Pope Francis (@Pontifex), maging ang Microsoft founder na si Bill Gates (@BillGates).

Si Pope Francis ay may abot na 18.8 million followers sa Twitter, habang si Bill Gates naman ay may 62.4 million.

Bukod sa kanila, ilan din celebrity ang nawalan na ng verification mark tulad nina Lady Gaga, Beyonce, Kim Kardashian, at kahit maging si dating US President Donald Trump.

Sa mga Pinoy celebrity naman, mapapansin na wala na ring check mark si Vice Ganda (@vicegandako) na may 14.9M followers, pati ang kanyang ‘It’s Showtime’ co-host na si Anne Curtis na may pareho ring bilang ng followers.

Matatandaan na noong binili ni billionaire Elon Musk ang Twitter ay inanunsyo nilang babayaran na via subscription para ma-verify ang isang account.

Nagkakahalaga ng $8 o humigit-kumulang P400 ang bayad kada buwan sa mga gustong magkaroon ng check mark katabi ng kanilang pangalan sa Twitter.

Noong nakaraang linggo ay nag-tweet si Elon Musk na ang deadline sa pagtanggal ng blue mark na hindi bayad ay April 20.

Samantala, ilang personality naman ang hindi pa naaalisan ng check mark tulad ng author na si Stephen King, kung saan nilinaw niya na hindi siya nag-subscribe para lang maging verified ang kanyang account.

Wika ni Elon, may mga Twitter accounts daw na siya mismo ang nagbabayad. (RP)

The post Walang pinipili! Pope Francis, Bill Gates tinanggalan check mark ng Twitter first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT