Dapat tutukan ng pamahalaan ang pagbuo ng mga polisiya na magtutulak sa ating mga healthcare worker na manatili sa bansa sa halip na mangibang bansa kapalit ng magandang kapalaran.

Ito ang sinabi ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. matapos na isulong sa Senado ang panukalang dapat magserbisyo muna ng isang taon ang isang health care worker bago magtrabaho sa ibang bansa.

Paliwanag ng senador, maganda ang intensyon nang pagsusulong ng 1-year medical service ngunit mas mabuti kung kusang pipiliin ng isang health worker na manatili sa bansa dahil sa kaya nating lumaban sa magandang oportunidad na ibinibigay ng ibang bansa.

“Let us give them more reasons to stay in our country instead of restricting them to leave. Ito ay mangyayari lamang kung mabibigyan natin sila ng oportunidad na magkaroon ng maayos na trabaho at sapat na sweldo,” sabi ni Revilla.

“Kaya sikapin natin na maitaas ito kasama na ang iba pang benepisyo para hindi na sila mapilitan maghanap ng oportunidad sa ibang bansa”, dagdag niya.

Nauna nang naghain si Revilla, chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation Senate Bill No. 1429 o ang ‘Kalusugan Ang Prayoridad Act of 2022’ para mapag-ibayo pa ang mga benepisyo ng health care workers, maging pribado man o pampubliko.

Nakapaloob sa panukala na ang isang health care workers ay magkakaroon ng 20% discount at exempted sa value-added tax (VAT) kung bibili ng gamot tulad ng para sa influenza at pneumococcal vaccines at iba pang medical supplies, accessories at equipment.

Kabilang din sa panukala kahit ang mga personnel na nakatalaga sa administrative, technical, support, staff na nakatalaga sa ospital, health facilities, laboratories, medical treatment at monitoring facilities.

Maliban diyan, naghain din si Revilla ng Senate Bill No. 2018 na naglalayong dagdagan ang daily wage ng P150 para sa lahat ng manggagawa at kung maisasabatas ay makikinabang din dito ang mga healthcare workers.

Noong 18th Congress, si Revilla ay principal author ng Republic Act No. 11701 na nagbigay ng night shift differential pay sa lahat ng government employees kabilang na ang public health care workers na sa kasalukuyan ay tumatanggap na ng karagdagang hindi lalagpas sa 20% ng kanilang basic rate kada oras. (Dindo Matining)

The post 1-year medical service para sa health workers isusulong ni Revilla first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT