Tagumpay at mabunga ang naging biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Washington D.C. sa Amerika.
Ito ang inihayag ng Presidential Communications Office (PCO) matapos ang apat na araw ma official visit ng Pangulo sa Estados Unidos.
Ayon sa PCO, nakakuha ng $1.3 billion investment pledges ang Pangulo at tinatayang 6,700 na trabaho ang malilikha nito para sa mga Pilipino.
Kabilang sa industriya na nais paglagakan ng puhunan ng mga negosyanteng Amerikano ay sa manufacturing, information technology, renewable energy, healthcare at research and development.
Naging tampok sa official visit ng Pangulo ang pakikipagpulong nito kay United States President Joseph Biden gayundin kina US Vice President Kamala Harris, US Secretary of Defense Lloyd Austin at mga miyembro ng US Senate.
Bukod sa mga bagong pamumuhunan na inaasahang papasok sa Pilipinas, ilang US-based companies ang nagpahayag ng expansion sa operasyon ng kanilang mga negosyo sa bansa partikular na inaasahang makatutugon sa mga kinakaharap na pagsubok sa sektor ng agrikultura, food security, malinis na enerhiya, digital connectivity, climate change at iba pa.
Hindi rin pinalampas ng Pangulo ang pagkakataon para pasalamatan ang Filipino community sa East Coast dahil sa kontribusyon nila sa ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng ipinapadalang dolyar sa kanilang pamilya.
Mula sa Washington D.C. ay tumulak si Pangulong Marcos Jr. sa London, United Kingdom para dumalo sa coronation ni King Charles III. (Aileen Taliping)
The post $1.3 billion investment pledges, 6,700 na trabaho resulta ng US trip ni PBBM first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento