Na-cite in contempt ng Senate committee on public order and dangerous drugs ang sinibak na si Police Master Sergeant Rodolfo Jr. at ang kaniyang superior na si Lieutenant Colonel Arnulfo Ibañez kaugnay ng nakumpiskang P6.7 bilyon halaga ng shabu sa Maynila noong nagdaang taon.

Si Senador Raffy Tulfo ang naghain ng mosyon para i-contempt si Ibañez dahil sa pagsisinungaling nito at pagtanggi na ibunyag ang nasa likod na nakumpiskang bulto-bultong shabu.

“Wala akong idea, your Honor. Wala akong personal knowledge, your Honor,” sabi ni Ibanez sa pagdinig.

Hindi naman siya paniniwalaan ni Tulfo. “Lt. Col. Ibañez, ‘wag na tayong maglokohan dito. Itong bata mo na isang sarhento, mababa ang rango kung tutuusin. Wala siyang kakayahan on his own to possess that huge amount of shabu on his own,”.

“Meron at meron siyang kasabwat at ‘yung kasabwat hindi pwedeng ‘yung katulad niyang dilis. Ang kasabwat nito, mga lapu-lapu, pating, at balyena,” dagdag pa niya.

Si Ibañez ang superior ni Mayo nang arestuhin siya noong Oktubre 2022 na makumpiska ang 990 kilo ng shabu sa isang anti-drug operation sa Maynila.

May ilang pulis ang di umano’y bumawas ng 42 kilo ng shabu mula sa nakumpiskang iligal na droga kay Mayo, na nagsilbing intelligence officer para sa PNP Drug Enforcement Group.

Sa nasabing pagdinig, iginiit naman ni Mayo ang ‘right against self-incrimination’. (Dindo Matining)

The post 2 pang pulis na-contempt sa pagsisinungaling, ikinulong sa Senado first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT