Pag-aaralan ng House Committee on Agriculture and Food ang pagbalangkas ng isang batas na magbibigay ng proteksyon sa mga magsasaka laban sa hindi makatwirang farm gate price na itinatakda ng mga mapagsamantalang negosyante.
Sinabi ni Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo na nararapat lamang na bigyan ng proteksyon ang mga magsasaka laban sa unfair trading practices.
“Malaking butas talaga ito, yung tinatawag na fair trading in agriculture, kasi sa ngayon ang inaasahan talaga is yung Philippine Competition Act. Meron dun isang provision….. and it has to do with very low farm gate prices but that’s it there’s very vague language on unfairly low farm gate prices,” sabi ni Quimbo. “Tingin ko farmers deserve an entire law to protect them.”
Humarap si Quimbo at Quezon Rep. Mark Enverga, chairperson ng Agriculture committee sa media isang araw matapos ang ikasiyam na pagdinig kaugnay ng umano’y hoarding at price manipulation na nagresulta sa pagtaas ng presyo ng sibuyas noong huling bahagi ng 2022.
Iminungkahi rin ni Quimbo ang pagpapalit ng polisiya sa pag-angkat ng sibuyas. Sa halip na pinipili umano kung sino ang mag-aangkat, sinabi ng lady solon na maaaring kontrolin ang dami ng pumapasok na imported na sibuyas sa pamamagitan ng ipinapataw na taripa.
“So parang mala-rice tariffication (law) pero mas gagandahan pa natin,” dagdag pa ni Quimbo.
Itinulak din ni Quimbo ang pagkakaroon ng regulatory framework para sa mga cold storage facility at pagtatayo ng registry ng mga onion trader upang madaling matukoy kung dami ng suplay ng sibuyas.
Ayon naman kay Enverga, maaaring ipasok ang hoarding, profiteering, at price manipulation sa economic sabotage para mas mapabigat ang parusa laban dito.
Bibisitahin din umano ng komite ang Price Act para mapataas ang parusa laban sa mga lumalabag dito at pagagandahin ang implementasyon dito upang masunod ang suggested retail price. (Billy Begas)
The post Batas kontra pambabarat sa mga magsasaka pinag-aaralan na first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento