Itinitulak ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang ideya na gawing anti-drug czar ng kasalukuyang administrasyon si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, tinanong ni Go si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. kung sa palagay niya ay makakatulong si Duterte kung italaga siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang anti-drug czar.

“Kung saka sakali lang…prerogative naman ‘yan ng Presidente, ang appointing authority, kung saka sakali lang, makakatulong ba kung itatalagang drug czar si dating Pangulong Duterte?” tanong ni Azurin sa pagdinig sa nakumpiskang P6.7 bilyong shabu sa isang raid sa Maynila noong nagdaang taon.

Sagot naman ni Azurin, susuportahan niya ang anumang hakbang na makakatulong sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.

“I don’t know if I can comment on that kung ano ang magiging setup, but anything on the campaign against illegal drugs, I will be supportive,” sabi ng PNP chief.

Ginawa ni Go ang suhestiyon dahil nasasayang lang umano ang pagsisikap ng administrasyong Duterte lalo na’t maraming pulis ang nasasangkot sa pag-recycle ng nakumpiskang iligal na droga.

“Wag nating sayangin ang naumpisahan ni dating Pangulo Duterte na labanan ang iligal na droga. Kapag bumalik ang iligal na droga, alam na natin na babalik ang kriminalidad at babalik ang korupsyon,” sabi ni Go. (Dindo Matining)

The post Bong Go: Ex-President Duterte gawing anti-drug czar first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT