Sa ikalawang anibersaryo ng kaniyang programang Sampung Libong Pag-asa noong Martes, nangako si Senador Alan Peter Cayetano na patuloy niyang isusulong sa Senado ang pagbibigay ng P10,000 ayuda para sa bawat pamilya, lalo pa’t alam aniyang may pondo ang gobyerno para dito.

“We will continue to push for it. May pera, pero hindi priority ng gobyerno to do it that way,” pahayag ni Cayetano sa isang maikling Facebook live bago ang selebrasyon noong Mayo 2, 2023.

Inihain ng independent senator ang panukalang Sampung Libong Pag-asa Law sa kaniyang pagbabalik sa Senado noong Hulyo 2022, na ngayon ay naghihintay ng deliberasyon sa committee level.

Ayon kay Cayetano, mismong ang Department of Finance (DOF) ang nagsabing may P200 bilyon sa budget ang gobyerno na magagamit para ipatupad ang panukala.

Gayunpaman, aniya, mas gusto ng administrasyon na ikalat ang pondo sa iba’t ibang mga programa sa ilalim ng magkakaibang ahensya, na aniya ay hindi gaanong mahusay.

“Ang policy ng administrasyon is ilagay yung iba sa PhilHealth, sa AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situations) sa DSWD, sa DOLE, sa DA, sa iba’t ibang program,” pahayag ni Cayetano.

“Ang mga negosyo nakabangon na, pero ang mga indibidwal hindi pa. So kung papipilahin mo pa sila sa DA, sa DSWD, et cetera, makakakuha naman pero hirap pa at hindi lahat,” dagdag niya. (Dindo Matining)

The post Cayetano patuloy na isusulong ang 10K Ayuda bill first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT