Ang sunog na tumupok sa Manila Central Post Office ay nagsisilbing “wake-up call” sa pangangailangan na protektahan ang mga makasaysayang gusali at artifact sa bansa, ayon kay Senador Alan Peter Cayetano.
“The State should make use of this unfortunate event as a learning opportunity on how buildings of cultural, artistic, and historical significance to the Philippines should be better taken care of as it is important that future tragedies of this scale be prevented,” sabi ni Cayetano sa Senate Resolution No. 635 na isinulat at inihain niya ngayong May 23, 2023.
Nasunog ang gusali noong Linggo ng gabi, May 21 at walong oras bago ito na-kontrol ng Bureau of Fire Protection noong Lunes ng umaga. Tinatayang umabot sa halagang P300 milyon ang pinsalang dulot ng apoy.
Dahil nangyari ang sunog sa gitna ng pagdiriwang ng National Heritage Month, sinabi ni Cayetano kailangang magbigay ng sapat na pangangalaga para maprotektahan ang ating mga national treasures gamit ang modern equipment, surveillance at strategies. Kailangan din aniyang pondohan ang mga ahensyang gagawa nito.
Sinabi ni Cayetano na ang Pilipinas ay biniyayaan ng Diyos ng “rich history, great heritage, and a roster of creative artists” at ang bansa ay tahanan ng iba pang mga lumang gusali, simbahan at mahusay na mga gawa ng sining na hindi na mapapalitan o magagawang muli kung mawala.
Aniya, kabilang sa mga mahahalagang gusali ang San Agustin Church, National Museum at maging ang Malacañang. Dagdag niya, karamihan sa mga istrukturang ito ay naglalaman ng mahahalagang painting, sculpture at iba pang artwork.
Sinabi ni Cayetano na sa pagsasagawa ng imbestigasyon ng Senate Committee on Culture and the Arts, nais niyang tukuyin kung ano ang dahilan sa likod ng sunog at kung maaari bang pigilan ang mga ganitong pangyayari sa pamamagitan ng mas mahusay na paghahanda at pagtugon.
Gusto rin niyang matukoy ng imbestigasyon kung maaaring protektahan ang iba pang national treasures. (Dindo Matining)
The post Cayetano: ‘Wake-up call’ ang sunog sa Manila Post Office first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento